Sa budget deliberations sa plenaryo ng Kamara ay umapela ang Movie and Television Review and Classification Board o MTRCB sa Kongreso na bigyan sila ng kapangyarihan para ma-regulate din ang mga palabas o pelikula sa online platforms at social media.
Ang hiling ng MTRCB ay inihayag sa plenaryo ni Cavite Representative Roy Loyola na siyang nagdedepensa sa 111.93 million pesos na panukalang pondo nito sa susunod na taon.
Una rito ay sinabi ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro na nakaaalarma ang pagdami ng “soft-core sex movies” at “violent o sexy films” sa online patforms.
Ayon kay Castro, ilan sa mga pelikulang ito ay may cast o artistang mga batang babae at may mga eksena na tila nangro-romanticize pa sa karahasan sa mga kababaihan, pisikal na pang-aabuso at rape.
Sa pamamagitan ni Representative Loyola ay ipinaliwanag ng MTRCB na mino-monitor din nila ang online streaming services pero ang problema ay hindi ito saklaw ng kanilang awtoridad.
Ayon kay Loyola, hiling ng MTRCB sa Kongreso na amyendahan ang Presidential Decree 1986 para masakop na ang online platforms at modernong teknolohiya sa kanilang mandato.
Kaugnay nito ay binanggit ni Loyola na binabalangkas na ng MTRCB ang panukalang batas para sa naturang amyenda.