
Nilinaw ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na hindi pa nila nire-review ang pinakabagong pelikula ni Darryl Yap na “The Rapists of Pepsi Paloma.”
Sa isang pahayag, sinabi ni MTRCB Chairperson at Chairperson ng Hearing and Adjudication committee Atty. Paulino Cases Jr. na hindi pa kumpleto ang mga kinakailangang requirements na isinumite ng PinoyFlix.
Idinagdag ni Cases na hindi tinanggap ng MTRCB Registration Unit ang mga materyales na isinumite ng kinatawan ng Pinoyflix sapagkat hiningan ng MTRCB Legal Affairs Division ang nasabing distributor ng certification o clearance mula sa Regional Trial Court, Department of Justice (DOJ) at Office of the City Prosecutor na magpapatunay na walang nakabinbing kaso laban sa mga ito.
Naipabatid na rin ng Legal Affairs Division sa distributor ang hinihinging requirements na ito.
Giit ng MTRCB, layon nito na masiguro na ang lahat ng pelikula ay naaayon sa Presidential Decree No. 1986 at sa mga patakaran nito.
Naninindigan ito na hindi ipagsasantabi ang maling impormasyon at anumang paninirang maaaring makasira sa reputasyon at mandato nitong protektahan ang interes ng publiko.