Pinaghahanda ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ng paliwanag sa balak na pag-regulate sa Netflix sa oras na sumalang ito sa pagdinig para sa P4.5 Trillion 2021 National Budget.
Binalaan ni Cayetano ang MTRCB na tiyak na maraming mambabatas ang magtatanong at bubusisi sa tanggapan kung bakit pati ang Netflix ay plano na ring i-censor.
Paliwanag ng Speaker, kung i-re-regulate ng MTRCB ang Netflix ay lumilikha lamang ito ng gulo na hindi naman kinakailangan.
Matatandaan na sa opening statement ni Cayetano sa 2021 General Appropriations Bill ay mapanuya nitong sinabi sa MTRCB na i-regulate na rin ang ibang streaming platforms tulad ng HBO, Amazon Prime, at iFlix gayundin ay maging censor na rin ng buong mundo ang MTRCB.
Dahil sa aniya’y “ridiculous idea” ng MTRCB ay bibigyang pagkakataon ng Kongreso na magpaliwanag ang ahensya sa budget hearing.
Dagdag pa ni Cayetano, kung gusto ng MTRCB na maging “relevant” o mahalaga sa panahon ngayon ay dapat na unahin nito ang pagsasaayos ng industriya ng pelikula at telebisyon dahil lubhang napag-iiwanan na ng maraming bansa sa Asya ang Pilipinas.