Manila, Philippines – Natapos na ang cross examination kay House Justice Committee Chairman Reynaldo Umali sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong disobedience to summons laban kay Senadora Leila de Lima.
Nag-ugat ang kaso sa pagpayo umano ni de Lima sa dati nitong kasintahan na si Ronnie Dayan na huwag sumipot sa congressional hearing ng Kamara ukol sa drug trade sa Bilibid, sa kabila ng subpoena.
Personal na dumating si de Lima sa huling araw ng cross examination kay Umali.
Sa pagtatanong ng abogado ni de Lima, kinumpirma ni Umali na hindi kasama sa commmittee report ng lupon ang rekumendasyong kasuhan sina de Lima at Dayan dahil mas pinagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang pagsisiyasat sa drug trade sa NBP.
Dagdag ni Umali, si Dayan ay provisionally admitted na rin noon sa Witness Protection Program, matapos magawaran ng congressional immunity para malayang makatestigo laban kay de Lima.
Para naman kay Atty. Boni Tacardo, abogado ni de Lima, ang kaso laban sa senadora ay parte ng nagpapatuloy na persecution sa Senadora.
Ang susunod na hearing ay sa June 13, sa ganap na alas-2 ng hapon kung saan ihaharap ng prosekusyon ang photographer na si Perfecto Camero na nakakuha ng litrato ng text message ni de Lima sa anak ni Dayan.
Sa naturang mensahe, pinayuhan ni de Lima si Dayan na huwag sisipot sa hearing ng Kamara dahil pagpipiyestahan lamang daw sila.