Iginiit ni Deputy Majority Leader and ACT-CIS Party-list Representative Erwin Tulfo ang pangangailangan na muling ibenta sa mga palengke ang National Food Authority o NFA Rice.
Ang murang NFA rice ang nakikitang paraan ni Tulfo para bumaba ang presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Binanggit ni Tulfo na ang NFA rice ay lima hanggang sampung piso na mas mababa ang presyo kumpara sa commercial rice.
Para makamit ito ay plano ni Tulfo na isulong ang pagbasura sa Republic Act 11203 o Rice Tariffication Law dahil hindi na aniya ito angkop sa kasalukuyang panahon.
Sa ilalim ng naturang batas ay ipinagbabawal ang pagbebenta ng NFA ng bigas at sa halip ay pinag-iimbak lang ito ng bigas na gagamitin sa panahon ng emergency tulad ng pagtama ng mga kalamidad sa bansa.