Posibleng buksan muli ng COMELEC ang Voter’s Registration sa Oktubre sakaling matuloy ang pag-aantala ng Barangay and SK Elections ngayong taon ayon kay Pangasinan Election Supervisor Atty. Marino Salas.
Sa panayam ng IFM News Dagupan sa opisyal, tinanggap ng opisyal ang pagkukulang sa naganap na voter’s registration dahil sa komento ng ilang residente na hindi nakaabot sa pagpaparehistro.
Ayon kay Salas, naging sapat ang paalala ng tanggapan sa publiko sa kabila ng limitadong panahon para sa voter’s registration tulad ng first come, first serve basis at paglilipat sa mas malaking venue partikular sa dalawang huling araw ng aktibidad upang mas maraming registrants ang mapagsilbihan.
Ilang registrants ang dumulog sa IFM News Dagupan dahil sa naranasan umanong mahabang pila, naubusan ng form, at hindi nasunod na Sistema sa stub dahil naabutan lang din umano ng cutoff at hindi na nagparehistro.
Suhestyon ng ilan na isagawa na lamang umano ang registration sa mga barangay upang hindi mahirapan sa pagbyahe at madaling puntahan ng mga residente.
Saad ni Salas, hindi kakayanin ng tanggapan na libutin isa-isa ang mga barangay sa lalawigan sa loob ng maikling panahon lalo sa mga lugar na nasa mahigit limampu hanggang walumpo ang barangay dahilan upang ilipat ang pagpaparehistro sa mas malaking mga venue.
Kaugnay nito, tiniyak ng opisyal ang kahandaan ng COMELEC Pangasinan ukol sa gaganaping eleksyon depende sa mandato ng pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments






