Positibo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maaari pang muling buhayin ang Ilog Pasig upang magsilbi hindi lamang sa kasalukuyan kung hindi hanggang sa hinaharap.
Sa Pasig River Inauguration kagabi sa lungsod ng Maynila, pinangunahan ni Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos ang opisyal na pagbubukas ng isang bahagi ng Ilog Pasig sa likod ng Central Post Office.
Ayon kay Pangulong Marcos, patunay lamang ito sa mga taong nagsasabing wala nang pag-asa ang ilog at isang testamento na walang imposible.
Aminado ang pangulo na mahabang panahon ang gugugulin para matapos ang Pasig River Development Project pero tiniyak nito na dahil sinimulan nila ang proyekto ay tatapusin nila ito.
Ang proyekto ay pakikinabangang din aniya ng mga susunod na henerasyon.
Kinilala rin ng pangulo ang kahalagahan ng Ilog Pasig sa kultura at kasaysayan ng bansa gayundin sa pagiging daan nito sa paghubog ng maunlad na ekonomiya sa ating kabisera.