MULING PAGDAGSA NG MGA PASAHERO SA BAGONG TAON, PINAGHAHANDAAN NG LTO REGION 1

Pinaghahandaan ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang muling pagdagsa ng mga pasahero at motorista ngayong bagong taon sa pamamagitan ng pinaigting na mga hakbang sa kaligtasan sa kalsada sa buong rehiyon.

Sa kabila ng deklarasyon ng long weekend at patuloy na pag-uwi ng mga biyahero sa kani-kanilang mga lalawigan, tuloy-tuloy ang isinasagawang roadside inspection at inspeksyon sa mga terminal ng pampublikong sasakyan sa ilalim ng OPLAN Biyaheng Ayos: PASKO 2025.

Layunin ng mga operasyong ito na matiyak ang maayos na kalagayan ng mga sasakyan at ang kahandaan ng mga tsuper upang maiwasan ang aksidente at masiguro ang ligtas at maayos na biyahe ng publiko.

Binigyang-diin ng ahensya na nananatiling prayoridad ang kaligtasan ng mamamayan, lalo na sa panahon ng mataas na daloy ng trapiko tuwing long weekend at pagpasok ng bagong taon.

Bilang dagdag na tulong sa mga komyuter, naglagay rin ang ahensya ng mga helpdesk sa mga pangunahing terminal at mahahalagang lugar sa rehiyon upang tumugon sa mga katanungan at agarang pangangailangan.

Namamahagi rin ang LTO ng mga Information, Education, and Communication materials upang palakasin ang kamalayan sa kaligtasan sa kalsada at isulong ang responsableng pagmamaneho ngayong holiday season. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments