Nagsimula nang muli ang pagdagsa ng mga pasahero sa mga bus terminal sa Dagupan City kasabay ng tuloy-tuloy na operasyon ng mga biyahe pagkatapos ng selebrasyon ng bagong taon.
Pinakamataas ang bilang ng mga pasahero nitong Disyembre 29 hanggang 30, na umabot pa hanggang madaling araw ng Disyembre 31.
Karamihan sa mga bumiyahe ay mga umuwi mula sa Metro Manila at Baguio City, habang marami rin ang paakyat ng Baguio City para magbakasyon at bumisita.
Bagama’t bahagyang lumuwag ang daloy ng pasahero noong umaga ng Disyembre 31, muling naranasan ang siksikan pagsapit ng hapon, lalo na sa mga bus na bumibiyahe patungo sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Pangasinan tulad ng Alaminos at Bolinao, gayundin sa mga rutang dumaraan papuntang Sta. Cruz, Zambales.
Ayon sa mga terminal operator, inaasahang mula Enero 1, 2026 hanggang sa mga susunod na araw ay magsisimula na ring dumami ang mga pasaherong babalik sa Metro Manila at iba pang lugar sa labas ng Pangasinan matapos ang pagsalubong sa bagong taon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










