Itinakda ni Senate President Tito Sotto III sa Martes, April 27, ang ikatlong pagdinig ng Senate Committee of the Whole ukol sa kontrobersyal na magpapataas sa volume ng aangkating pork at pagbaba sa taripa nito.
Ayon kay Sotto, kabilang sa mga pangunahing imbitado ay si Finance Secretary Carlos Dominguez na ayon sa Pangulo ay isa sa mga nagtulak na ibaba ang taripa o buwis na ipinapataw sa imported pork.
Sabi ni Sotto, muli ding iimbitahan ang mga opisyal ng Department of Agriculture at Department of Justice.
Target sa ikatlong pagdinig na mabusisi pa ang mga isyu sa kaugnay sa pag-angkat ng karne ng baboy tulad ng katiwalian sa importasyon nito at iba pang produktong agrikultura.
Sabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sa susunod na pagdinig ay tatalakayin din nila ang apela ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng tsansa ang Executive Order Number 128.
Itinatakda ng nabanggit na EO ang pagtaas sa dami ng aangkating karne ng baboy ngayong taon at pagbaba sa taripa nito bilang tugon sa problemang dulot ng African Swine Fever oubreak sa bansa.