Muling pagdinig sa Senado ni Pharmally Regulatory Affairs head Krizel Grace Mago, inaasam pa rin ni Senator Lacson

Umaasa pa rin si Senator Panfilo Lacson na muling dadalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Krizel Grace Mago, head ng Pharmally Pharmaceutical Corporations Regulatory Affairs.

Ito ay matapos hindi na sumipot si Mago sa pagdinig ng Senado kaugnay sa kontrobersyal na pagbili ng pamahalaan ng COVID-19 medical supplies sa ilalim ng Pharmally na aabot sa mahigit P8 bilyon.

Pero ayon kay Lacson, kung hindi na magpapakita si Mago ay panghahawakan ng Senado ang mga nauna niyang isiniwalat na impormasyon.


Nabatid na pasado alas-11:00 ng umaga kahapon ay umatras si Lincoln Ong, director ng Pharmally sa alok ng komite na humarap sa isang executive session.

Sabi ng abogado ni Ong na si Ferdinand Topacio, hindi naman nagboluntaryo ang kaniyang kliyente na humarap sa isang executive session.

Mag-uusap naman aniya sila ni Ong kung haharap muli sa mga pagdinig.

Sa ngayon, hawak pa rin ng Senado si Ong na ililipat sana sa Pasay City Jail pero isinantabi muna dahil sa dapat sanang executive session.

Facebook Comments