Manila, Philippines – Sa pagbubukas ng 18th Congress sa Lunes, July 22 ay walang mangyayaring drama o agawan sa pwesto sa Senado dahil sigurado na ang muling paghalal kay Senate President Tito Sotto III.
Ayon kay Senator Panfilo Ping Lacson, inaasahan na boboto para kay Sotto ang 20 senador na kasapi ng mayorya.
Sabi ni Lacson, kahit pabor sa pamumuno ni Sotto ay hindi naman boboto para sa senate presidency ang mga miyembro ng minority bloc.
Kinabibilangan ito nina Senators Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at pinuno nila na si Senator Franklin Drilon, habang si Senator Leila De Lima naman ay nakabilanggo.
Inaasahan din na matutupad ang mga napagkasunduan sa pulong ng majority senators na ihalal din muli sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Majority leader Juan Miguel Zubiri habang mananatili ding lider ng minorya si Senator Drilon.
Samantala, ayon kay SP Sotto, plantsado na ang mahigit 90-porsyento na Committee Chairmanship at ang eleksyon para dito ay inaasahang gagawin sa Martes o sa mga susunod pang araw ng session.
Sabi ni Sotto, papairalin ang equity of the incumbent o pagpabigay prayoridad sa mga senior senators para maunang pumili ng hahawakang komite.