Manila, Philippines – Naniniwala si Senator JV Ejercito na makabubuting ibalik sa kompanyang sumitomo ang paghawak sa operasyon at maintenance ng Metro Rail Transit o MRT line 3.
Sa ngayon ay ang Dept. of Transportation o DOTr ang nangangasiwa sa pagpapatakbo ng MRT 3 makaraang kanselahin nito ang kontrata sa BURI.
Giit ni Ejercito, ang sumitomo ay may maayos na track record at kaalaman sa pagpapatakbo ng MRT.
Ayon kay Ejercito, kung hindi sumitomo ay kailangang humanap ang gobyerno ng kompanya na kasing galing nito para pamahalaan ang MRT 3.
Iminungkahi din ni Ejercito sa DOTr ang paglalagay ng glass panels sa mga istasyon ng MRT para magsilbing proteksyon sa mga pasahero.
Inihalimbawa ni Ejercito ang mga istasyon ng train sa Hong Kong na kung saan may glass panel sa pagitan ng platform kung saan nakapwesto ang mga pasahero at riles mismo ng train.
Ang suhestyon ni Ejercito ay makaraang maputulan ng braso ang isang babaeng pasahero na nahilo at nahulog sa riles ng tren.