Inaasahan na ng Department of Labor and Employment o DOLE ang muling pag-angat ng BPO o Business Process Outsourcing industry sa mga susunod na buwan.
Ito’y kasunod ng pagbubukas ng ilang bakanteng trabaho ng mga BPO companies kung saan 4,000 posisyon ang inaasahan na mapupuno sa buwan ng Setyembre.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, dahil sa banta ng COVID-19 pandemic sa ibang bansa ay posibleng lumipat ang ilang BPO companies sa Pilipinas partikular sa Clark, Cebu at Metro Manila.
Isa itong oportunidad upang mabigyan o magkaroon ng trabaho ang ilan sa ating mga kababayan at paraan na rin ito para mas lumakas pa ang BPO industry sa bansa.
Inihayag naman ni Rey Untal, President at Chief Executive Officer ng IT Business Process Association of the Philippines (IBPAP) na patuloy ang kanilang hiring kahit may banta ng COVID-19.
Sa ngayon, umabot na sa 1.3 million empleyado ang na-hire na ng kanilang samahan na binubuo ng 300 miyembro.
Nabatid na nagkaroon ng pagpupulong ang DOLE at IBPAP para pag-usapan at hanapan ng solusyon ang lumabas na balita na apat sa sampung BPO workers ang nalagay sa floating o ‘no-work-no-pay’ status sa kasagsagan ng lockdown.
Pagtitiyak naman ni Untal, naiparating na niya sa tanggapan ng mga concerned BPO companies ang nasabing hinaing.