Nanindigan ang mga eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na delikado ang desisyon ng Department of Transportation (DOTr) na paluwagin ang physical distancing rules ng mga pasahero sa mga public transportation.
Ayon kay Professor Ranjit Rye ng UP–OCTA Research Team, siyensiya na mismo ang nagsabi na ang isa hanggang dalawang metrong social distancing ang mabisang sandata kontra COVID-19.
Giit niya, hindi dapat pinag-e-eksperimentuhan ng DOTr ang social distancing dahil posibleng kumalat lang lalo ang sakit.
Sa interview naman ng RMN Manila, sinabi ni UP–OCTA Research Team fellow Dr. Troy Gepte na mas mainam kung nagkaroon muna ng malawakang konsultasyon bago nagpatupad ng reduced physical distancing ang transport sector.
Dahil dito, hindi aniya malabong tumaas na naman ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.
“Nakikita natin na medyo nagfa-flatten na tayo pero ngayon po, sa nakikita namin, mukha hong balik na naman tayo sa pagtaas. Sana nagkaroon tayo ng mas malawakang konsultasyon para naibigay din namin yung aming panayam at mga agam-agam,” ani Dr. Gepte.
Una rito, nagbabala ang mga UP expert na posibleng pumalo sa 330,000 hanggang 375,000 ang bilang ng mga tatamaan ng COVID-19 sa katapusan ng Setyembre.