Friday, January 23, 2026

Muling paglutang ni Sen. Dela Rosa, posibleng nakadepende sa paglalabas ng desisyon ng SC sa petisyon laban sa pakikipagtulungan ng Pilipinas sa ICC

Umaasa pa rin ang kampo nina Senador Bato Dela Rosa na aaksyunan na ng Korte Suprema ang kanilang petisyon na kumukuwestiyon sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Cout (ICC).

Ayon kay Atty. Israelito Torreon na siyang tumatayong abogado nina Dela Rosa at dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso, naghain na sila ng manifestation sa SC tungkol dito para sa pag-aksyon sa petition for certoriari.

Kaugnay nito, sinabi ni Torreon na maaaring lumutang ang senador sakaling maglabas na ng desisyon ang Kataas-taasang Hukuman.

Dinepensahan din ng abogado ang kasalukuyang sitwasyon ni Dela Rosa lalo’t nangyari na umano ang ganito sa dating Pangulong Duterte na inaresto at ipinadala sa ICC.

Samantala, sinabi ni Torreon na wala pa silang kopya ng sinasabing arrest warrant at bigo rin silang makahingi nito.

Tumanggi naman ang abogado na sagutin kung nasa Pilipinas pa rin ang Senador.

Mula nang mapabalitang may inilabas nang warrant of arrest ang ICC ay hindi na pumasok sa Senado si Dela Rosa.

Facebook Comments