Pinag-aaralan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) na tanggalin ang suspensiyon sa pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakikipagpulong na ang Pilipinas at Oman para sa posibilidad na pagluluwag ng deployment ng mga manggagawang Pinoy.
Naganap ang pulong sa virtual meeting kagabi kung saan dumalo sina Bello at Oman Ambassador Munther Mahfoodh Salem Al-Mantheri.
Paliwanag naman ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Administrator Bernard Olalia, sa ngayon ay handa na ang kanilang tanggapan na magpadala ng mga Pinoy sa Oman sa oras na tanggalin na ang deployment ban.
Matatandaang nakaraang linggo nang magpalabas ang Pilipinas ng pansamantalang deployment ban sa OFWs sa Oman matapos isama ng nasabing bansa ang Pilipinas sa kanilang travel ban.
Aabot sa 200,000 Pinoy ang nasa Oman kung saan hindi pa kasama ang mga undocumented Pinoy.