Umapela ang health expert na si dating National Task Force Special Adviser Dr. Anthony Leachon sa pamahalaan na panatilihin ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa National Capital Region Plus bubble hanggang katapusan ng Mayo.
Sa interview ng RMN Manila, binigyang-diin ni Leachon na kahit bumababa na ang COVID-19 cases, mataas pa rin ang kaso ng mga namamatay sa virus, hindi pa rin naaabot ang target na 5% sa positivity rate at critical utilization rate at nananatili pa rin ang banta ng Indian variant.
Ayon kay Leachon, ang dalawa pang linggong extension ng MECQ ay maaaring samantalahin ng pamahalaan para mas lalo pang palakasin ang ating testing capacity at pagpapabilis sa vaccination program ng pamahalaan.
Batay sa Department of Health, sa ngayon ay nasa 1,101,990 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na makapagtala ng 7,174 na bagong kaso kahapon pero pumalo naman sa 1,022,224 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa nasabing sakit.