Magdudulot lamang ng dagdag na pahirap sa mga health workers at taumbayan ang muling pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon sa Filipino Nurses United (FNU), posibleng magresulta ito sa muling pagkabigo kung walang malinaw na plano para sa mga health workers at katiyakang mabibigyan ng ayuda ang mga apektadong Pilipino.
Dagdag pa ng FNU, ilan sa mga ospital ang understaffed kung saan ang dapat na 1:3 na nurse-patient ratio para sa moderate at severe cases ay nagiging 1:12 at ang dating 1:1 sa mga critical case ay nagiging 1:3.
Habang marami ding nurse ang nagtatrabaho ng dagdag na 2 hanggang 3 oras na trabaho nang hindi bayad para sa kanilang 12-hour shift.
Dahil dito, nanawagan ang FNU sa pamahalaan na magsagawa ng mass hiring at staff augmentation para mabilis silang makapagrespode sa kanilang mga pasyente.
Samantala, inirekomenda ni Special Adviser to the National Task Force (NTF) Against COVID-19 Dr. Ted Herbosa na i-extend pa ang umiiral na ECQ sa National Capital Region (NCR) Plus bubble.
Pero sa ngayon, ayon sa Metro Manila Council, hihintayin muna nila ang datos mula sa Department of Health bago pag-usapan ang pagpapalawig ng ECQ sa NCR Plus bubble.