Kapabayaan at malamig na panahon.
Ito ang ilan lamang sa nakikitang posibleng mga dahilan ni Dr. Edsel Salvaña kung bakit muling nakararanas ng mataas na bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 ang Europe.
Sa Laging Handa public briefing, binigyang diin ni Salvaña na winter season kasi ngayon kaya malamig ang panahon sa Europe dahilan para manatili lamang sa kanilang mga tahanan ang mga tao.
Paliwanag ni Salvaña, dahil nakakulong lang sa bahay at kulob ito o sarado pati mga bintana dahil malamig ay walang proper ventilation.
Dapat aniyang tandaan na ang tamang bentilasyon ang isa sa mga susi para hindi manatili at umikot-ikot lamang sa saradong lugar ang virus.
Maliban dito, pabaya rin ang mga residente sa Europe dahil itinigil na nila ang paggamit ng face mask sa pag-aakalang hindi na sila mahahawa dahil tapos na ang COVID sapagkat karamihan sa kanila ay mga bakunado na.