Inirekomenda ng National Task Force Against COVID-19 ang pagtatalaga muli ng mga sundalo at pulis upang magbantay para matiyak na nasusunod ang minimum health protocols sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa interview ng RMN Manila kay NTF Against COVID-19 Spokesperson Retired Major General Restituto Padilla, sinabi nito na mismong si COVID-19 Response Chief Implementer at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. ang nagrekomenda nito sa Inter-Agency Task Force dahil na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Padilla, nagiging kampante na kasi ang publiko kaya’t hindi na nasusunod ang mga umiiral na health protocols sa bansa na dahilan ng pagtaas ng kaso ng virus.
Bagamat sinabi ni Padilla na hindi na ibabalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang quarantine status sa Metro Manila at ilang lugar na may mataas na kaso ng COVID-19, asahan naman aniya ang mas mahigpit na pagpapatupad ng minimum health protocols.
Una nang ikinumpara ng OCTA Research Group ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa bilis ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 noong Hulyo ng nakaraang taon.