Manila, Philippines – Pagmumultahin ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang mga local at international airlines dahil sa uncoordinated flights.
Ito ay kasunod ng pagsadsad ng eroplano ng Xiamen airline sa runway ng NAIA noong Agosto 16.
Ayon kay MIAA General Manager Ed Monreal, papatawan ng ₱5,000 kada pasahero ang mga eroplanong gumawa ng uncoordinated flights.
Aniya, 37 uncoordinated flights ang nangyari ng 78 local at foreign jets na lumapag sa NAIA matapos ma-clear ang runway.
Paliwanag ni Monreal, ang uncoordinated international flights ay nagdulot ng airport congestion.
Kabilang sa mga sangkot sa uncoordinated flights ay: Asiana Airlines, China Eastern, China Southern, Etihad Airlines, Eva Air, Gulf Air, Japan Airlines, Jeju Airlines, Korean Airlines, Kuwait Airways, Malaysian Airlines, Qantas Airlines, Air Brunei, Xiamen Air, Philippine Airlines, Hongkong Airlines, Air China, Oman Air, Qatar Airways at Thai Airways.
Bineberipika naman ang apat na iba pang uncoordinated flights para matukoy ang mga dawit na airline.