Multa sa batas trapiko na nakabatay sa arawang sahod at motorist bill of rights, isinusulong sa Kamara

Isinusulong sa Kamara ang panukalang lagyan ng cap o limitasyon ang multang ipinapataw sa mga motoristang naghahanap buhay na nakitaan ng paglabag sa batas trapiko.

Sa ilalim ng House Bill No. 3423 o ang Motorist Protection and Rights Act ni Albay 2nd District Representative Joey Salceda, layon nitong amyendahan ang Traffic Code of the Philippines para magkaroon ng Bill of Rights ang mga motorista.

Kabilang dito ang protektahan ang mga motoristang naghahanap buhay sa pamamagitan ng paglalagay ng cap o limitasyon sa multang ipapataw sa mga traffic violations.


Sa first offense aniya ay dapat hindi bababa sa minimum daily wage ng isang lugar at hindi dapat hihigit sa doble ng arawang sahod para sa second at third offense.

Nakalagay din sa panukala ang pagtatatag ng Traffic Adjudication Team sa bawat LGU upang umapela ang mga motorist na gawing community service na lamang ang maging parusa nito kung hindi kayang bayaran ang multa.

Paliwanag ni Salceda, kapag masyadong mataas kasi ang ipapataw na multa sa mga violators ay mapipilitan pa itong makipag-areglo sa mga otoridad dahilan para mauwi pa ito sa pangongotong.

Facebook Comments