Multa sa dumadaan sa EDSA bus way, pinatataasan

Pinatataasan ni Senator Raffy Tulfo ang multa laban sa mga motoristang lumalabag sa pagdaan sa EDSA bus way.

Ang mungkahi ng senador ay kasunod na rin ng nag-viral na video sa social media kung saan isang puting SUV na may protocol plate number 7 ang dumaan sa buslane na nambastos at muntik pang makasagasa sa lady enforcer na sumita sa kanila.

Ayon kay Tulfo, kung siya ang masusunod ay gawing P50,000 ang multa mula sa kasalukuyang P5,000 upang wala nang motorista ang magmamatigas ang ulo kapag nahuhuli at hindi na maulit ang mga kahalintulad na insidente.


Sinabi pa ni Tulfo na ang kasalukuyang P5,000 na multa ay kayang-kayang bayaran ng mga lumalabag na nagmamay-ari ng mga pribadong sasakyan.

Iginiit din ng mambabatas na dapat ay may magmamando at magbabantay sa EDSA bus lane 24/7 dahil ano pa ang silbi ng bilyong pisong budget para rito kung wala namang mga tauhang nakaposte para magbantay at mahuli agad ang mga lumalabag.

Facebook Comments