Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng Land Transportation Office (LTO) na pababain ang halaga ng multa sa mga nagmamay-ari ng motorsiklo na mahuhuling hindi rehistrado ang kanilang top box at saddle bag.
Kasunod ito ng utos ni LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na pagsuspinde sa paninita at panghuhuli sa mga nakamotorsiklong may top box at saddle bag na maaaring hindi rehistrado o hindi nakasunod sa pamantayang pangkaligtasan na itinakda ng LTO.
Layon ng suspensyon na marepaso o mapag-aralang muli ang inilabas na memorandum ng LTO noong Marso 2016 o ang “Guidelines on Inspection and Apprehension Relative to Motorcycle Top Boxes and Saddle Bags.”
Sa gitna ito ng mga reklamo ng ilang mga nahuhuling motor rider sa P5,000 multa dahil sa paggamit ng mga top box at saddle bag na hindi rehistrado, customized o hindi pasado sa pamantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) at LTO.
Ayon kay Guadiz, maglalabas ang LTO ng karapat-dapat na listahan ng mga multa para hindi naman sila mahirapan at maapektuhan ang kabuhayan.
Kasabay nito ay patuloy na hinihikayat ng LTO ang mga motorcycle rider na iparehistro ang top box at saddle bag ng kanilang motorsiklo upang matiyak na nakasusunod ito sa pamantayan para sa pansariling kaligtasan at ng publiko.