Multi-milyong pisong halaga ng smuggled na frozen products at agricultural products mula China, nasamsam ng NBI sa Marilao, Bulacan

Sinalakay ng National Bureau of Investigation o NBI – Anti-Cybercrime Division ang malaking warehouse na sa 3M compound Santa Rosa II, Marilao, Bulacan.

Pinangunahan ni NBI Director Jaime Santiago ang inspection sa loob ng CS Cold Storage and Processing Plant Corporation.

Sa pagpasok ng NBI tumambad sa mga awtoridad ang multi-million pisong halaga ng frozen meat products gaya ng karne ng baka, manok at mga produktong agrikultura.


Bukod sa kahon-kahong mga bulok na mga sibuyas at bawang ngayon ay nadiskubre na rin ng NBI at Department of Agriculture – National Meat Inspection Service ang mga karne ng kalapati o pigeon meat.

Mayroon pang mga frozen na palaka o bullfrog, seafoods maging kahon-kahong French fries.

Lahat ng mga ito ay mga puslit na produkto na galing sa China.

Sa inisyal na pagtaya pa lamang ng NBI, nasa 200 milyong piso ang halaga ng mga nasamsam nilang mga smuggled na produkto.

Ayon kay NBI Anti-Cybercrime Division Chief Atty. Jeremy Lotoc, batay pa lamang sa mga resibong kanilang nasamsam hindi na bababa sa ₽120-M tax ang tinatayang buwis na hindi nababayaran ng sinalakay na cold storage facility.

Ito ay mula 2021 hanggang 2024.

Facebook Comments