Pabor si Senator Francis Tolentino na iakyat sa United Nations General Assembly (UNGA) ang isyu sa patuloy na pambu-bully ng China sa Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tolentino, walang masama sa suhestyon na ito ni retired Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio lalo’t patuloy ang China sa pagbalewala sa 2016 The Hague Arbitral ruling pabor sa Pilipinas.
Aniya, kapag ang isyu ng patuloy na panghaharass ng China ay dinala sa UN General Assembly, ito ay magiging international issue na makapagbubukas sa mas mataas na kamalayan ng 193 mga myembrong bansa.
Aniya pa, kung mapag-uusapan at mapagdebatehan sa UN ay mas maganda para sa posisyon ng Pilipinas lalo na kung sa huli ay kakampihan o papaburan tayo ng UN General Assembly.
Naniniwala si Tolentino na bukod sa paborableng arbitral ruling ay mayroon ding sapat na dokumento ang ating bansa para makumbinsi ang UNGA.
Matatandaang una nang naghain ng resolusyon tungkol dito si Senator Risa Hontiveros kaugnay sa posibilidad na iakyat sa UNGA ang usapin sa West Philippine Sea.