Mungkahi na ibalik ang 1935 Constitution, pinalagan ng Gabriela Party-list

Pinalagan ng Gabriela Party-list ang rekomendasyon ni Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile na ibalik ang 1935 Constitution kung saan mas madali ang pagdeklara ng Martial Law.

Giit ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Representative Arlene Brosas, ang mungkahi ni Enrile ay paglapastangan sa puntod ng libo-libong biktima ng Batas Militar na ipinatupad ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Tahasang sinabi ni Brosas na ang pahayag ni Enrile ay nagpapakita ng umano’y tunay na hangarin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pagsentralisa muli ng lahat ng kapangyarihan sa kamay ng pangulo.


Diin ni Brosas, hindi dapat gamitin ang guni-guning pangamba sa insureksyon o rebelyon para bigyan ng absolute na kapangyarihan ang pangulo, sa pagtatangkang pagtakpan na naman umano ang matinding kahirapan na pasan-pasan ng mga Pilipino.

Dahil dito ay nanawagan ang grupong Gabriela sa mamamayang Pilipino na labanan ang anomang pagtatangka na guluhin ang kasaysayan para maibalik ang bansa sa madilim na panahon ng karahasan sa ilalim ng Martial Law.

Facebook Comments