Mungkahi ni Senator Lacson na integrated elementary at high school sa Pag-asa Island sa Kalayaan, inaprubahan ng DepEd

Nabigyan ng pag-asa para sa isang maayos na buhay ang kabataan ng Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group sa West Philippine Sea.

Ito ang magandang balita ni presidential aspirant at Senator Panfilo “Ping” Lacson matapos aprubahan ng Department of Education (DepEd) ang pagkakaroon ng Pag-asa Island Integrated Elementary at High School sa susunod na school year, 2022-2023.

Dahil dito ay lubos na nagpapasalamat si Lacson sa mabilis na pagtugon ng DepEd sa kanyang mungkahi na karagdagang school facilities at mga guro sa Pag-asa Island.


Ito ay matapos malaman ni Lacson ang hirap na dinadanas ng mga estudyante sa lugar sa kanyang pagbisita sa isla noong Nobyembre 20.

Ipinaglaban din ni Lacson ang karagdagang benepisyo para sa mga guro dahil sa kasalukuyan, iisa lamang ang elementary school sa lugar at dalawa lamang ang guro sa 34 na estudyante na walang nakikitang pagkakataon para makantuntong ng high school.

Ang pinakamalapit kasi na high school ay nasa Puerto Princesa City pa sa Palawan na umaabot ng mahigit isang araw ang byahe papunta.

Ipinaglaban din ni Lacson ang pagkakaroon ng Special Hardship Allowance para sa dalawang guro sa Pag-asa Island na maaari aniya na kunin mula sa badyet ng Last Mile Schools program ng DepEd.

Facebook Comments