Para kay Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go, masyado pang maaga para tapusin na ang pagsasailalim sa Pilipinas sa State of Public Health Emergency.
Tugon ito ni Go sa mungkahi ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion na alisin na ang state of public health emergency upang maibalik ang tiwala ng publiko at mas mapadali ang pagbangon ng ekonomiya.
Kapag natupad ang suhesyon ni Concepcion ay hindi na oobligahin ang mamamayan na magsuot ng face mask lalo na sa outdoor o bukas ng mga lugar.
Giit ni Go, dapat ipagpatuloy pa ang pag-iingat at huwag munang magkumpyansa dahil delikado pa rin ang panahon ngayong habang nandiyan pa ang banta ng COVID-19.
Ikinatwiran din ni Go na marami pang lugar sa bansa ang hindi pa rin nakakamit ang 70% vaccination rate.
Dahil dito ay hiniling ni Go sa national at local government units na mas pagibayuhin pa ang pagbabakuna laban sa COVID 19 para mas marami ang mabigyan ng proteksyon, at mas mapabilis ang pagbubukas ng ating ekonomiya.