Suportado ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang isinusulong na pagpapatupad ng ‘Bakuna bubble’, kung saan tanging mga bakunado lamang ang papayagang pumasok sa mga restaurant, gym at salon.
Ang pagsang-ayon sa nasabing mungkahi ay inihayag ni NEDA Secretary Karl Kendrick Chua sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senate Finance Committee na pinamumunan ni Senator Sonny Angara.
Sabi ni Chua, maigi itong subukan sa ilang lugar o pilot area sa National Capital Region (NCR) para makita kung epektibo o hindi.
Ang ‘Bakuna bubble’ ay isinusulong ng ilang grupo sa hangaring unti-unting mabuksan ang ekonomiya kahit patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases at delikadong Delta variant.
Mas makabubuti naman para kay Senator Cynthia Villar na buksan ang ekonomiya sa mga naturukan na ng COVID-19 vaccine dahil hangga’t sarado ang mga negosyo ay hindi sasapat ang ayuda o stimulus funds para sa mga negosyante.
Naniniwala si Villar na pwede ring gawin sa Pilipinas ang pagbubukas ng ibang bansa ng negosyo sa mga bakunado na.
Paliwanag pa ni Villar, magpapataas din ng vaccination rate kung makikita ng publiko na may pribilehiyo ang mga nabakunahan na laban sa COVID-19.
Samantala sa DBCC briefing ay binanggit din ni Chua ang kanilang proposal na granular lockdown, kung saan may malaking tungkulin ang mga lokal na pamahalaan.