Sa botong kontra ng 13 mga Senador ay hindi lumusot sa Senado ang mungkahing ipaloob sa panukalang Bureau of Fire Protection Modernization Law na magbitbit ng short firearm o baril ang mga bombero.
Apat lang na Senador na pumabor dito na kinabibilangan nina Senate president Tito Sotto III, Senators Bong Go, Francis Tolentino at Ronald Bato Dela Rosa na siyang sponsor ng panukala.
Ang nabanggit na probisyon ay isinulong ni Senaator Tolentino mula sa rekomendasyon ni Senator Go na ayon naman kay Senator Dela Rosa ay hiling mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Dela Rosa na siyang nagdepensa ng panukala, layunin ng mungkahing armasan ang mga bombero bilang pagsuporta sa trabaho ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kabilang naman sa mga tumutol sa pag-aarmas ng mga bombero ay sina Senators Nancy binay, Pia Cayetano, Win Gatchalian, Richard Gordon, Risa Hontiveros, Grace Poe, Francis Pangilinan, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Joel Villanueva, Franklin Drilon, Ralph Recto at Juan Miguel Zubiri.
Ikinatwiran nila na hindi ito kasama sa mandato at sinumpaang tungkulin ng mga bombero at maaari naman sila at iba pang indibidwal na mag-armas kung kakailanganin base sa itinatakda ng Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.