Malabo para kay Senate President Vicente Sotto III ang mungkahi na gumawa ng batas o magpatupad ng vaccine pass o vaccine ID para payagang makapasok sa mga indoor establishment katulad ng mga mall at restaurant.
Diin ni Sotto, para itong martial law at higit pa sa diskriminasyon kaya tiyak na hindi lulusot sa Kongreso at hindi rin aaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte lalo’t hindi naman sapilitan ang pagpapabuka laban sa COVID-19.
Paliwanag naman ni Senator Koko Pimentel, hindi maaring ipilit ang pagpapabakuna dahil nasa trial stage pa lang ang mga bakuna, at mayroon ding mga inidibidwal na hindi kwalipikado para mabakunahan.
Dagdag pa ni Pimentel, hindi rin maaring pilitin ang isang taong walang karamdaman na magpasok ng kemikal na bakuna sa kanilang katawan.
Giit naman ni Senator Imee Marcos, hindi pa napapanahon ang mandatory vaccine pass ngayong mahigit 2 milyon pa lang ang nababakunahan na napakalayo pa sa herd immunity na 70 million.