Mungkahing gagawing digital learning ang pag-aaral, ikokonsidera ng DepEd

Masusing pag-aaralan ngayon ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) ang mungkahi ni Congresswoman Jocelyn Fortuno na napapanahon na ngayong pandemya na ilipat sa digital learning mula sa paggamit ng modules ang pag-aaral ng mga estudyante.

Sa nagpapatuloy na budget hearing ng Committee on Appropriation sinabi ni DepEd Secretary Leonor Briones na kanilang ikokonsidera ang rekomendasyon ng mambabatas na digital learning dahil nahihirapan na rin ang mga guro sa paggamit ng modules lalung-lalo na sa paghahatid sa mga lugar na binabaha.

Paliwanag pa ng kalihim maraming mga punong kahoy ang kailangan ng putulin para lamang sa paggawa ng mga papel para sa modules na magreresulta ng mga pagbaha kapag marami ng mga punong kahoy ang puputulin.


Dagdag pa ni Briones na mas mainam umano ang mungkahi ng kongresista na paglipat sa digital learning dahil natututo ang mga estudyante na mag-isip ng kritikal.

Una ng pinuna ng ilang mga kongresista na hindi umano epektibo ang paggamit ng modules dahil hindi nade-develop ang kaalaman ng mga mag-aaral dahil ang sumasagot sa modules ay ang mga magulang.

Facebook Comments