Pinalagan ni Opposition Senator Leila de Lima ang ideya ni Presidential Spokesperson Harry Roque na gamitin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para mapwersang magpabakuna laban sa COVID-19 ang mga benepisaryo nito.
Giit ni De Lima, sponsor at author ng 4Ps law, ilegal, kalokohan at malayo sa reyalidad ang nasabing suhestyon.
Ayon kay De Lima, ang 4Ps ay tulong sa ating mga kababayan na nangangailangan at hindi dapat gamiting kasangkapan para pilitin ang mga tao na naghahanap ng paglilinaw at impormasyon sa bakuna.
Diin ni De Lima, hindi pamimilit ang paraan para mabakunahan ang mga kababayan natin na nag-aalangang magpabakuna.
Isinisi pa ni De Lima ang pagbaba ng kumpiyansa ng publiko sa bakuna sa umano’y paggamit ni Pangulong Rodrigo Duterte at ng Presidential Security Group (PSG) ng smuggled na bakuna kaysa sa mga tried and tested na brand.
Kantyaw pa ni De Lima, sa halip na mang-troll sa opposition ay mainam na gamitin na lang ng administrasyon ang boses nila para hikayatin ang mga tagasuporta na magpabakuna.