Mariing tinutulan ng mga kinatawan sa bahagi ng Mindanao ang isinusulong ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte 1st District Representative Pantaleon Alvarez na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Ayon kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, tigilan na ang nasabing suhestyon dahil labag sa konstitusyon at kawalan ng respeto sa demokratikong proseso na siyang humubog sa bansa.
Babala pa ni Adiong, tiyak itong magbubunga ng panibagong hidwaan sa rehiyon na halos hindi pa gumagaling mula sa sugat ng nakaraang mga karanasan nito.
Giit naman ni Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, dapat igalang at sundin ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., na hindi nito papayagan na mabawasan ang ating teritoryo o kaya ay magkahiwalay.
Naniniwala rin si Rodriguez na hindi ito makakatulong sa pag-unlad ng bansa o ng Mindanao at tiyak maghahatid ng takot sa mga mamumuhunan.
Para naman kay Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers, mas kailangang ayusin ang iba’t ibang isyu sa Mindanao tulad ng pagpapalakas sa agricultural productivity nito, pagpapahusay sa tourism infrastructure para higit na makaakit ng turista, gayundin ang pagpapa-igting sa serbisyong pangkalusugan at edukasyon.