Manila, Philippines – Iginiit ni Senate Majority Leader Tito Sotto III na walang pangangailangan na magsagawa sa lalong madaling panahon ng joint session ang mataas at mababang kapulungan.
Ito ay para talakayin ang martial law at suspension ng Writ of Habeas Corpus na idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte sa buong Mindanao bilang tugon sa paghahasik ng karahasan ng Maute Group sa Marawi.
Ang joint session ay isinusulong nina Senators Francis Kiko Pangilinan, Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian.
Pero diin ni Sotto, maliban sa hindi kailangan ay magiging magulo lang ang mabanggit na joint session.
Yan aniya ay dahil sa siguradong ang dami ng mga kongresista ang gustong magsalita.
Sapat na para kay Sotto ang gagawing briefing sa lunes sa mga senador nina nina Armed Forces Chief Gen. Eduardo Año, Defense Secretary Delfin Lorenzana, at National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr.
Sa naturang briefing, ayon kay Sotto, ay makabubuting itanong na ng mga senador ang lahat ng gusto nilang malaman at malinawan ukol sa umiiral na batas militar sa Mindanao.
DZXL558, Grace Mariano