Mungkahing magkaloob ng P5-P6 na subsidy upang matulungan ang binabarat na mga magsasaka, welcome sa DA

Bukas ang Department of Agriculture (DA) na pag-aralan ang mungkahi ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na magkaloob ng P5 hanggang P6 na subsidy upang matulungan ang mga rice farmer na binabarat ng mga rice trader.

Ayon kay DA Spokesperson at Asec. Arnel de Mesa, marami na ring mga interventions ang DA upang matulungan ang mga magsasaka, gaya ng financial assistance, mga libreng binhi, pataba at mga makina sa pagsasaka.

Aniya, ang nakikita nilang mabisang solusyon dito ay ang pagpapatupad ng floor price sa palay.

Sa ngayon labis na dumaraing ang mga rice farmer sa Tarlac na gumagastos ng malaki sa kanilang produksyon pero binabarat na lang sa otso pesos ang kada kilo ng kanilang aning palay.

Umaasa si De Mesa na mabilis na maaprubahan ang ipatutupad na floor price bago pumasok ang susunod na anihan upang makapag-uwi naman ng malaki-laking kita ang mga magsasaka.

Una nang nagbabala ang SINAG na maaaring mawalan na ng gana ang mga magsasaka na magtanim ng palay kung hindi naman binibili ng National Food Authority (NFA) ang kanilang ani.

Una nang inamin ng NFA na puno na ang kanilang mga bodega kung kaya’t hindi na nila makapamili pa ng karagdagang aning palay mula sa mga local farmer.

Facebook Comments