Mungkahing magkaroon ng batas para sa regulasyon ng social media, kailangang pag-aralang mabuti

Bukas ang mga mambabatas sa hiling ng Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) sa Kongreso na magpasa ng batas para bumuo ng national social media regulatory board.

Gayunpaman iginiit ni Davao Oriental 2nd District Representative Cheeno Miguel Almario na kailangang timbanging mabuti ang pangangailangan na i-regulate ang social media content dahil sa posibilidad na malabag ang freedom of information at speech.

Itinataguyod din ni Almario ang kahalagahan ng pagberepika sa mga impormasyon lalo at dumarami ang mga fakes news at deep fakes sa panahon ngayon.


Para naman kay House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Representative Jude Acidre, sa halip na i-regulate ay mainam na maglagay na lamang ng mga safeguard upang mapigilan ang pagkalat ng mga maling impormasyon gaya ng pagkakaroon ng verification process upang matiyak ang pagkakakilanlan ng nag-post.

Giit pa ni Acidre, importante rin na may mananagot kapag may paglaban sa mga umiiral na batas gamit ang social media.

Para naman kay Lanao del Norte 2nd District Representative Mohamad Khalid Dimaporo, dapat ay mabalanse ang karapatan ng malayang pamamahayag at ang kaligtasan ng publiko lalo’t mayroong panganib sa publiko ang pagkalat ng maling impormasyon.

Facebook Comments