Umaasa si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ‘modified community quarantine’ ang ipapatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan mananatili na lang naka-lockdown ang mga lugar o lalawigan katulad ng Metro Manila na may mataas pa ring kaso ng COVID-19.
Paliwanag ni Sotto, delikado kung aalisin ang lockdown sa lahat ng lugar pagkatapos ng April 30 dahil hindi pa naman bumababa ang kaso ng nahahawaan ng virus sa bansa.
Sabi naman ni Senator Christopher “Bong” Go, ikinokonsidera ni Pangulong Duterte na mapalawig ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila, habang modified quarantine naman sa ibang lugar sa Luzon kung saan walang COVID-19 cases.
Paliwanag ni Go, sa ganitong sistema ay makakapagbukas na ang ilang negosyo at trabaho.
Diin naman naman ni Senator Joel Villanueva, sa ‘modified community quarantine’ ay mabibigyang konsiderasyon ang ekonomiya habang patuloy na ipinapatupad ang mga hakbang para hindi kumalat ang virus.
Binanggit ni Villanueva na dapat patuloy na pairalin ang physical distancing, hand washing, sanitizing protocols at ang pinakamahalagang pagsasagawa ng regular random testing.
Para kay Senator Sonny Angara, makatwiran ang modified quarantine para mabuksan na ang mga pantalan at maging maluwag na ang pagbiyahe ng mga pagkain at iba pang mahalagang produkto sa buong bansa.
Giit naman nina Senators Panfilo “Ping” Lacson at Sherwin Gatchalian, kasabay ng ‘modified community quarantine’ ang kahalagahan na maipatupad ng mabilis ang malawakang COVID-19 testing.