Mungkahing pagtatatag ng Department of Disaster Resilience, hindi praktikal at posibleng hindi mabigyan ng kaukulang pondo

Naniniwala si Senator Panfilo Ping Lacson na madaling magtatag ng bagong departamento, pero ang tanong ay kung praktikal ba ito at sigurado bang mapopondohan ito ng sapat.

Pahayag ito ni Lacson sa harap ng panukalang magtatag ng Department of Disaster Resilience na mangangailangan ng ₱1.5 billion na pondo, bukod pa sa budget pang pasuweldo, capital outlay, pambili ng behikulo at MOOE o’ Maintenance and Other Operating Expenses.

Binanggit din ni Lacson na sa unang pagdinig na ginawa ng pinamumunuan niyang Committee on National Defense and Security ay nagpahayag ng pag-aalinlangan ang mismomg mga stakeholder sa paglikha ng departamento para sa disaster risk reduction.


Ikinatwiran din ni Lacson, na una ay salungat ito sa policy direction ukol sa right sizing ng burukrasya dahil sa sobra na itong bloated.

Pangalawa, hindi naman ang lilikhaing departamento ang magpapatupad ng recovery at rehabilitation kapag may kalamidad kundi ang mga existing agencies pa rin tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH).

At pangatlo ayon kay Lacson, makikita na ang mga bagong nilikhang departamento tulad ng Department of Information and Communication Technoloy (DICT) at Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) ay hindi naman nabibigyan ng kaukulang pondo para magampanan ng maayos ang kanilang mandato.

Facebook Comments