Mungkahing timeline sa impeachment trial laban kay VP Sara, hindi tinutulan ng mga mambabatas

Hindi nagpahayag ng pagtutol ang mga senador at ang mga kongresista sa panukalang timeline ni Senate President Chiz Escudero para sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Escudero, matapos niyang ipadala ang liham para sa mungkahing schedule sa impeachment trial ni Duterte ay walang nagpahayag ng negatibo o nag-object sa kaniyang proposed timeline.

Sinabi ni Escudero na sumulat na rin ang Kamara sa kaniya at ipinarating ng Mababang Kapulungan na natanggap nila ang panukala ng Senate President at wala namang pagtutol o reservation dito ang mga kongresista.


Bukod dito, may mga senador na nagpahayag ng suporta bagaman informal ito.

Sa timeline ni Escudero, magbabalik sesyon ang mga mambabatas sa Hunyo 2 at aaprubahan ang schedule at kinabukasan, Hunyo 3 ay magco-convene ang Senado bilang impeachment court na hudyat na ng pagsisimula ng proseso.

Sa Hulyo 30 naman ang aktuwal na impeachment trial laban kay VP Sara na siya namang pagpasok ng first regular session ng 20th Congress.

Facebook Comments