Pansamantalang isinara ang Municipal Birthing Clinic ng Calasiao na matatagpuan sa Barangay Poblacion East simula Disyembre 13 bilang bahagi ng paghahanda sa pagbubukas ng bagong Dialysis Center.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pagsasara ng pasilidad ay upang bigyang-daan ang isinasagawang renovation na layong mapabuti ang serbisyong pangkalusugan sa bayan.
Habang sarado ang pasilidad, ang mga manganganak at nangangailangan ng childbirth services ay pinapayuhang magpunta sa Pangasinan Provincial Hospital.
Samantala, ang mga prenatal, postnatal, at maternal check-up ay isinasagawa sa Rural Health Unit I.
Humingi naman ng paumanhin ang lokal na pamahalaan sa abalang dulot ng pansamantalang pagsasara at tiniyak na ang hakbang na ito ay para sa mas maayos na serbisyong pangkalusugan para sa mga residente.








