Huli ang isang municipal employee sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Brgy. Sta Cruz, Ballesteros, Cagayan matapos makuhaan ng ilang baril at bala.
Kinilala itong si Elmer Collado, 58-anyos, na nakuhaan ng isang caliber .45 pistol, magazine para sa caliber .45, magazine para sa M16 rifle, 65 rounds of ammunition at dalawang inside holster ng caliber .45.
Samantala, sa operasyon rin ng PNP-CIDG sa Brgy. Mauno, Laua-an, Antique, naaresto rin nila ang isang magsasaka na umano’y miyembro ng criminal group matapos makuhaan din ng mga baril at bala.
Kinilala ito na si Prudencio Arnaiz, 67-anyos.
Nakuha sa kanya ang caliber .38 revolver, isang homemade 12-gauge shotgun at tatlong rounds ng ammunition para sa caliber .38.
Sa Brgy. Ayala, Zamboanga City naman, isang Sulaiman Abbas, 63-anyos ang hinuli ng mga pulis dahil din sa pagtatago ng mga baril at bala.
Si Arnaiz at Abbas ay sinasabing miyembro ng “Bangcaya Gang Group” na sangkot sa gun-for-hire, robbery at extortion activities na nag-o-operate sa Zamboanga City at Basilan.
Sa ngayon, nahaharap na ang mga nahuling suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.