Patuloy ang panawagan ng lokal na pamahalaan ng Pateros sa mga residente nito na sumalang na sa pagpapaturok ng booster shots.
Ayon kay Pateros Mayor Miguel Ponce III, aminado siya na hirap silang kumbinsihin ang kanilang mga residente na magpa-booster shots.
Ito’y dahil sa pinapayagan na ang lahat ng fully vaccinated na makalabas at makapunta sa anumang establisyimento sa ilalim ng Alert Level 1 sa National Capital Region (NCR).
Aniya, dahil sa patakaran na ito, karamihan sa kanilang residente ay hindi na nais pang magpabakuna ng booster.
Sinabi pa ng alkalde na hindi naman nakasaad sa patakaran sa ilalim ng Alert Level 1 na kinakailangan nakapag-booster na para makalabas o kaya ay makabiyahe na sa ibang lugar.
Sa kabila nito, muling iginigiit ni Mayor Ponce na importante pa rin na maturukan ng booster shots upang maging ligtas sa COVID-19 kung saan ang pagbabakuna nito ay kanilang ikinakasa sa mga paaralan, klinika, drug store, food chain at drive thru.
Hindi na rin kailangan pa ng QR code kung magpapabakuna habang maaari rin magpaturok ng booster shots ang hindi residente sa kanilang munisipalidad basta dalhin lamang ang kanilang mga vaccination cards.