Puspusan ang pagkilos ng lokal ng pamahalaan ng Muntinlupa para kumbinsihin ang publiko sa kahalagahan ng pagpapabakuna laban sa COVID-19.
Kaugnay nito ay inatasan ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi ang binuong COVID-19 Vaccine Task Force na tumulong sa information dissemination ukol sa kahalagahan ng pagpapabakuna.
Nilikha ang task force sa pamamagitan ng Executive Order Number 2-2021 upang kumbinsihin ang mga residente na magpabakuna laban sa COVID-19.
Bukod dito ay nakalathala rin sa social media account ng Muntinlupa City Government ang tamang impormasyon ukol sa COVID-19 vaccine at ang kahalagahan nito.
Umaapela rin si Mayor Fresnedi ng kooperasyon sa mamamayan kaakibat ang payo na huwag maniwala sa fake news at tumutok lamang sa lehitimong sources kagaya ng Department of Health (DOH), Philippine Information Agency (PIA), at pamahalaang lokal.