Lumagda ng kasunduan ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City sa mga funeral parlor o mga punerarya sa lungsod.
Ito ay bilang paghahanda sa “The Big One” o ang inaasahang malakas na lindol sa bahagi ng West Valley Fault system.
Sabi ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, aakuin ng apat na punerarya sa lungsod ang gastos sa recovery, processing at disposal ng mass casualities na maitatala matapos ang malakas na lindol.
Paliwanag ni Biazon, ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga survivor at mapabilis din ang pagproseso sa mga magiging bangkay.
Kabilang sa mga lumagdang punerarya sa lungsod ay ang Lim De Mesa Funeral Parlor sa Brgy. Putatan at Bayanan, King Harold Funeral sa Bayanan at Eastern Funeral Services sa Alabang.
Mababatid na saklaw ng West Valley Fault ang lungsod kung saan apektado halos lahat ng siyam na barangay sa Muntinlupa.