Nagpaabot ng pakikiisa sa pagdadalamhati ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa pagpanaw ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Ayon kay Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, bilang presidente, kalihim ng Department of National Defense at Chief-of-Staff ng Armed Forces of the Philippines ay pinamunuan ni Ramos ang mga Pilipino nang may pinakamataas na antas ng integridad, husay at pagiging makabayan.
Bagama’t tubong Pangasinan, malaking bahagi aniya ng buhay ni Ramos ay nangyari sa Muntinlupa kaya dapat na rin siyang ituring na Muntinlupeño.
Bukod dito, iginiit ni Biazon na mahalaga ang kontribusyon ni Ramos sa pagiging lungsod ng Muntinlupa dahil bilang pangulo ay nilagdaan nito ang Republic Act 7926 o Muntinlupa City Charter na nagdeklara rito bilang highly urbanized city.
Dagdag pa ng alkalde, kahit nakalulungkot ay marapat lang na ipagdiwang ang pag-aalay ng serbisyo ni Ramos sa mga Pilipino lalo na ang mga pagkakataong sumubok sa Demokrasya.