Nagpaliwanag ang Muntinlupa Local Government Unit (LGU) sa kontrobersyal na pagbabakuna ng buong pamilya ng actor na si Aga Muhlach.
Ayon kay Muntinlupa Public Information Office (PIO) Chief Tess Navarro, walang special treatment sa pagpapabakuna sa pamilya Muhlach.
Aniya, dumaan ang mga ito sa tamang proseso kabilang na ang pagpila sa underground parking ng isang mall.
Nagpakita rin aniya ang mga ito ng medical certificate na magpapatunay na sila ay may comorbidity.
Nilinaw rin ni Navarro na hindi lamang ang pamilya Muhlach ang maimpluwensyang mga indibidwal ang nabakunahan sa Muntinlupa, kung hindi maging ang ilan pang government officials, negosyante at celebrities.
Wala rin aniyang pinipili ang vaccination program ng lungsod, maging mahirap man o mayaman.
Una nang hiningian ng paliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Muntinlupa LGU hinggil sa pagbabakuna sa pamilya Muhlach.
Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, nais nilang malaman kung may nalabag na vaccination protocols sa nasabing insidente.