Muntinlupa, magdaragdag ng 200,000 doses ng COVID-19 vaccine na AstraZeneca

Inihayag ngayong umaga ni Muntinlupa City Mayor Jamie Fresnedi na magdaragdag sila ng 200,000 doses ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay Fresnedi, muli silang kukuha ng nasabing bakuna na AstraZeneca dahil mas mura anya ito at mabisa pa.

Dagdag pa niya na mas maraming mga lokal na pamahalaan sa bansa ang nakipagkasundo sa AstraZeneca para sa bakuna kontra COVID-19.


Matataandaang nauna nang umorder ng 100,000 doses ng COVID-19 vaccine sa AstraZeneca ang lungsod ng Muntinlupa na ibibigay sa mga medical fronliner, senior citizen at Persons with Disability (PWD).

Bago nito, naglaan ng 170 million pesos na budget ang lungsod para sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19 upang mabigyan ng bakuna ang lahat ng residente nito nang libre.

Kung hindi pa rin aniya sasapat ang binili nilang bakuna, magbibigay naman ang nasyonal na pamahalaan ng bakuna para sa nasabing sakit sa pamamagitan ng Department of Health (DOH) sa ilalim ng vaccination plan ng national government.

Facebook Comments